KALIBO, Aklan – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives ang isang lalaki matapos mahulihan ng ilang mga armas sa Sitio Hagdan, Barangay Yapak sa isla ng Boracay.
Nakilala ang suspek na si Donato Naris, sa legal na edad, residente ng nasabing lugar at katiwala ng isang establisyemento sa isla.
Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie De Dios ng Malay Police Station, marami na silang natatanggap na reklamo laban sa suspek dahil sa madalas nitong pagdadala ng baril.
Narekober sa loob ng sling bag ng suspek ang isang Colt caliber .45 na may magazine at live ammunition gayundin ang isa pang reserbang magazine at isang M26 hand grenade.
Ang paghalughog at pagpasok na ginawa ng mga otoridad ay alinsunod sa bisa ng Search Warrant No. EJ-02-21 na ipinalabas ni Judge Bienvenido Barrios, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 6, Kalibo, Aklan.
Si Naris ay kasalukuyang nakakulong sa Malay Police Station para sa karampatang disposisyon.










