BUTUAN CITY – Isinailalim na sa Enhanced Community Quarantine ang buong Caraga region matapos makapagtala ng pinakaunang kaso ng Coronavirus Disease o Covid-19.
Sa isinagawang pulong kanina sa Caraga Regional Task Force on COVID-19, inaprubahan ang resolusyon na nagdedeklara ng ECQ.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa DOH Caraga na nagpositibo sa nasabing sakit ang swab sample ng 68-anyos na lalaking Patient Under Investigation (PUI).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni DOH-Caraga Regional Director Jose Llacuna Jr., na ang naturang pasyente ay nagpakunsulta sa Maynila at umuwi nitong Marso a-12 kungsaan kaagad siyang nagpa-home quarantine hanggang sa nilagnat na, nagka-soiar throat at may ubo kung kaya’t nagpa-admit na sa Marso a-28.
Mayroon itong pre-existing medical condition gaya ng pabalik-balik na sakit sa baga na emphysema at bronchitis maliban sa diabetic pa ito.
Nakikipag-ugnayan na sila sa Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP upang makakuha ng flight manifesto sa eroplanong sinasakyan ng biktima upang ma-trace ang mga pasaherong nakasakay nito kasama ang PNP at lokal na pamahalaan.