-- Advertisements --

Tinanggal na ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang aircraft seat capacity limit ng mga flights na papuntang Kalibo at Caticlan sa Aklan.

Ito ang mga rutang dadaanan ng mga nais pumunta sa sikat na tourist destination na Boracay island.
Sa isang resolusyon, tinanggal na ng CAB ang limit sa mga eroplanong mayroong 200-seat capacity sa mga flights na papuntang Kalibo at Caticlan.

Ang resolusyon ay base na rin sa hirit ng budget carrier Cebu Pacific noong Peberro 21 na tanggalin ang 200-seat cap na ipinatupad na noon pang July 15, 2019 kasunod ng isinagawang rehabilitasyon sa isla.

Ang request din ng naturang airline company na tanggalin ang seat limitation ay para mapalakas pa ang turismo sa naturang isla matapos tumamlay dahil na rin sa epekto ng pandemya sa bansa.

Kung maalala, noong Semana Santa ay bumuhos ang mga turista sa naturang isla at sinasabing nilabag daw ng lokal na pamahalaan ang carrying capacity ng isla na dapat ay 19,000 lamang sa isang araw.

Base kasi sa pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines na kinomisyon ng Department of Environment and Natural Resources, ang carrying capacity lamang ng isla ay 19,215 tourists sa isang araw.

Naitala naman sa isla ang 21,252 na turista noong April 14 habang 22,519 tourists noong April 15 na lagpas sa inirekomendang threshold.