Binigyang diin ng Climate Change Commission (CCC) na ang Candaba impounding facility ay magiging isang kabuuang water ecosystem na nireresolba ang malalaking problema sa pagbaha habang nagbibigay ng sustainable ecological at environmental hub sa Pampanga.
Sa isang pahayag, sinabi ni CCC Commissioner Albert dela Cruz Sr. na ang pagtatayo ng impounding system sa lugar ng munisipyo ay hindi makakaabala sa kabuhayan at makakaapekto sa kapakanan ng mga lokal.
Aniya, makakatulong din ito sa pangangalaga ng biodiversity sa Candaba swamp at maaari din itong maging lugar para sa ecotourism tulad ng La Mesa Nature Reserve in Quezon City.
Binanggit niya na ang mga peripheral na bahagi ng impounding facility ay maaaring taniman ng kawayan, na nagbibigay ng mga pagkakataon sa kabuhayan para sa mga residente, habang pinapahusay ang mga hakbang para sa pagkontrol sa baha, pag-iwas sa landslide, at pagkasira ng lupa.
Gayundin, makakatulong din ito sa inisiyatiba para matugunan ang epekto ng climate change at global warming sa ating bansa.
Dagdag ng opisyal, bilang isang kabuuang water ecosystem, maaari rin itong magbigay ng karagdagang mapagkukunan ng tubig para sa National Capital Region at mga malalayong lugar habang ipinapakita ang posibilidad na lumikha ng auxiliary supply ng enerhiya mula sa mapagkukunan ng tubig nito.
Kung matatandaan, una nang anawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pag-aaral ng Candaba impounding system bilang pangmatagalang solusyon sa matagal na problema ng malawakang pagbaha sa Central Luzon.