-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Tupi-Philippine National Police hinggil sa nangyaring pamamaril sa nasabing bayan sa South Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Mario Fuentes, 56-anyos na residente ng Prk 2 sa Barangay Linan sa bayan ng Tupi.

Ayon sa anak nitong si Jan-Jan Fuentes, nagkakape lamang ang ama nito nang biglang pumasok ang apat na kalalakihan at walang habas na binaril sa ulo.

Dead on the spot si Fuentes habang mabilis na tumakas ang mga salarin sa ‘di malamang direksyon.

Kaugnay nito, wala raw alam ang pamilya ni Mario na kaaway nito ngunit bago pa ito pinatay ay may mga namamataan nang sasakyan at mga motorsiklo na umaaligid malapit sa tahanan ng biktima.

Samantala ayon sa isang mapagkakatiwalaang source ng Bombo Radyo Koronadal, ang biktima ay sinasabing campaign leader ng incumbent governor at gubernatorial candidate na si Daisy Avance-Fuentes.

Sa ngayon inaalam pa kung may kaugnayan talaga sa politika ang krimen.