Naglabas ng mga gabay ang lokal na pamahalaan ng Caloocan para sa paggamit ng mga paputok sa pagsalubong ng bagong taon.
Ito ay nakapaloob sa pinirmahang Executive Order no. 032-22 ni Mayor Dale Malapitan kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng mga paputok saanmang bahagi ng lungsod.
Sa halip na pagpapaputok sa ibat ibang bahagi ng lungsod, nagtalaga ito ng ilang fireworks display area kung saan maaaring magsindi ng mga pyrothecnic device at mga ligal na magagamit na firecracker.
Matatagpuan ang mga ito sa Brgy. 67, 176-177 at Brgy. 186.
Ayon sa LGU Caloocan, nakabubuting gamitin na lamang ang mga naturang lugar sa halip na pagpapaputok sa kung saan-saan upang matiyak na ligtas ang pagsalubong sa bagong taon mula sa mga banta ng paputok.
Hinikayat din ng alkalde ang publiko na sumunod sa inilabas na regulasyon, at makiisa sa pagnanais ng LGU na maiwasan ang anumang mga firecracker-related incidents sa lungsod.