CAUAYAN CITY – Nakipag-ugnayan na si Senador Imee Marcos kay Cagayan Governor Manuel Mamba upang kaagad na malutas ang pananambang at pagpatay sa Vice Mayor ng Aparri, Cagayan at limang iba sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan ay mariing kinondena ni Gov. Manuel Mamba ng Cagayan ang pananambang at karumal-dumal na pagpaslang kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pang kasama ng Bise Alkalde.
Sinabi niya na magtutungo sana sa Maynila ang Bise Mayor upang Dumalo sa Vice Mayor’s League habang ang dalawa sa mga biktima ay nakisakay lamang.
Kabilang sa mga nasawi sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, si Vice Mayor Rommel Gerali Alameda, Abraham Dela Cruz Ramos Jr., John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay, pawang residente ng Aparri, Cagayan.
Ang mga biktima ay sakay ng isang kulay itim na Hyundai Starex na may plakang KOV 881 nang tambangan ng anim na pinaghihinalaan na sakay sa isang puting Mitsubishi Adventure na may plakang SFN 713 at ginamit ang barikada ng MV Duque Elementary School.
Pinaputukan ng mga pinaghihinalaan ang mga biktima gamit ang ibat-ibang uri ng baril na ikinasawi ng mga ito.
Wala aniya siyang alam na dahilan para paslangin ang Bise Mayor at umaasa siyang mabibigyan kaagad ng hustisya ang kanyang pagkamatay at limang kasamahan.
Sa ngayon ay ipinag-utos na niya sa pulisya sa Cagayan na makipag-ugnayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office upang kaagad na malutas ang nasabing pananambang.
Nanawagan siya sa mga nakakita sa pananambang na makipag-ugnayan sa mga otoridad upang agad na malutas ang krimen.
Nakipag-ugnayan din sa Kanya si Senador Imee Marcos upang ipaalam na kakausapin ang PNP Chief upang kaagad na malutas ang nasabing pananambang.
Samantala, bumuo ng Special Investigation Task Group ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO na tututok sa pananambang kay Vice Mayor Rommel Alameda at lima nitong kasamahan.
Kasabay nito ay ipinag-utos ni Police Brigadier General Percival Rumbaoa, Acting Regional Director ng PRO 2 ang malawakang hot pursuit operation laban sa mga pinaghihinalaan at tiniyak na hindi miyembro ng PNP ang mga nanambang na nakasuot ng PNP Pixelized uniform.
Binigyang diin ni Police Brigadier General Rumbaoa na hindi titigil ang pulisya hanggat hindi nadadakip ang mga taong nasa likod ng karumal dumal na pagpaslang.
Samantala, Mariin ding kinondena ng Vice Mayors League of the Philippines o VMLP – Cagayan Chapter ang karumal-dumal na pagpatay kay Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan na siya ring Board of Director ng VMLP- Cagayan Chapter, at sa kanyang mga tauhan at kasamahan.
Nagulat at nalulungkot ang VMLP – Cagayan Chapter dahil isa sa kanilang officers ang napabilang sa mga biktima ng mga walang kwentang pagpatay.
Ayon sa grupo, mabait na tao si Vice Mayor Alameda at handang paglingkuran ang kanyang mga kababayan.
Dahil dito ay siguradong mami-miss siya hindi lang ng kanyang pamilya kundi maging ng kanyang mga nasasakupan at kasamahan.
Sigaw nila ngayon ang hustisya para sa pinaslang na bise mayor at sa kanyang mga kasamahan.