-- Advertisements --

Nagdeklara na ang Cagayan de Oro City ng State of Energy Emergency matapos aprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang isang resolusyon sa isinagawang special session noong Abril 7, 2026.

Inaprubahan ng 21st City Council ang Proposed Resolution No. 2026-203 kasunod ng rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), na nagsagawa ng pagpupulong isang araw bago ang naturang sesyon.

Sa ilalim ng naturang hakbang, papayagan ang paglalabas ng P441 million mula sa disaster funds ng lungsod upang magbigay ng fuel at food subsidies sa mga sektor na apektado ng krisis.

Ayon kay Councilor Edgar Cabanlas, majority leader ng konseho, makatatanggap ng P2,000 ayuda ang mga apektadong tricycle operators at drivers simula sa Miyerkules. Bukod dito, makakakuha rin ang mga ito ng karagdagang P5,000 one-time assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tiniyak pa ng City Council na sa pamamagitan ng resolusyon, maghahanda ang executive department ng isang emergency crisis plan upang matiyak ang wastong pamamahagi ng ayuda sa lungsod.

Nauna nang naglabas ng Executive Order si Mayor Rolando “Klarex” Uy noong Marso 31 para sa pagbuo ng isang Energy Crisis Committee at paglatag ng mga posibleng hakbang laban sa epekto ng krisis sa langis.

Kabilang sa mga inaasahang makikinabang sa mga programang ipatutupad ang mga transport group, magsasaka, mangingisda, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at solo parents.