-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nahuli ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos itong mahulihan ng shabu at baril sa isang checkpoint sa Brgy. Banucagon, Pigcawayan, Cotabato nitong gabi ng Miyerkules.

Nakilala ang suspek na si Fahad Nagle Zacaria, 34 anyos, walang asawa, CAFGU member at taga Cotabato City.

Ayon sa ulat ng Pigcawayan PNP, isang concerned citizen ang nagbigay impormasyon sa kanilang himpilan hinggil sa suspek na may dalang baril sakay ng kaniyang motorsiklo na bumabaybay mula Brgy. Balacayon papuntang Brgy. South Manuangan sa kaparehong bayan.

Agad nakipag-ugnayan ang kapulisan sa mga tropa ng 92nd Infantry Battalion – Philippine Army na nakadestino sa checkpoint sa Brgy. Banucagon kung kaya’t kanilang nahuli si Zacaria.

Nakuha kay Zacaria ang dalawang small sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, isang .357 S&F Magnum na baril, 6 live ammunitions at Kymco Motorcycle.

Himas-rehas na ngayon ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.