Pansamantalang suspendido ang lahat ng aktibidad ng mga bagong kadete o mga plebo ng PNPA (Philippine National Police Academy).
Ito’y sa gitna ng pagpapa-review ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa naturang mga aktibidad matapos ang pagkasawi ng dalawang kadete na sina 4CL Jiary Jasen Papa at 4CL Kenneth Alvarado noong nakaraang linggo.
Ayon kay Gamboa, mahalagang rebyuhin ito para mabatid ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng dalawang kadete.
Itinanggi naman ni Gamboa na may mali sa ipinatutupad na health protocols ng akademya kahit pa kasama ang pagsasagawa ng ilang adjustment.
“We should balance this so I hope ‘di na mangyari,” wika ni Gamboa.
Kaugnay nito, nakatakdang makipagpulong si Gamboa sa mga opisyal ng National Police Training Institute tungkol sa insidente para talakayin ang kanilang 2nd cycle recruits.
Samantala, isasailalim sa RT-PCR (real-time reverse transcription–polymerase chain reaction ) test ang nasa 350 kadete upang matiyak na ligtas ang PNPA camps sa coronavirus lalo pa’t posible rito ang maramihang impeksyon.
Dahil dito, pinahiwalay ni Gamboa ang PNPA Class of 2024.
Nakahiwalay na rin sa ngayon ang nasa 20 training staff na isasama na rin sa RT-PCR test.