-- Advertisements --
CAAP

Binigyang-diin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagsasagawa pa rin sila ng ilang upgrade sa Air Traffic Management Center (ATMC) ng bansa.

Ito ay ilang araw matapos nitong pansamantalang isara ang airspace ng Pilipinas para sa pagpapalit at pagsasaayos ng kanilang sistema.

Kung matatandaan, pinalitan ng CAAP ang critical uninterruptible power supply (UPS) units nito sa pagsasara ng airspace ng bansa.

Ang nasabing pagsasaayos sa paliparan na naglalayong maiwasan ang pag-ulit ng New Year’s Day aviation meltdown na nakaapekto sa humigit-kumulang 65,000 pasahero noong Enero, ay nagkakahalaga ng P13 million.

Kasunod nito, sinabi ng CAAP na mag-a-upgrade ito ng iba pang bahagi ng software at hardware ng Air Traffic Management Center bago matapos ang taon.

Ayon kay CAAP Deputy Director for Operations Capt. Edgardo Diaz, dapat ay patuloy na ina-upgrade ang sistema ng paliparan (ATMC) pati na rin ang maintenance program nito.

Sinabi rin ng regulator ng aviation na nagpaplano at pinag-aaralan nila ang mga paraan upang bumuo ng isang independent Air Traffic Management Centr, pati na rin ang pagkuha ng isang third-party na contractor upang magbigay ng kaalaman sa pangangasiwa nito.