-- Advertisements --

Wala umanong masama sa ginawa ng mga raiding team na nanguna sa operasyon noong Linggo ng madaling araw sa mga bahay ng Parojinog sa Ozamiz City na ikinasawi ng 16 na indibidwal kabilang mismo si Mayor Reynaldo Parojinog Sr.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, tama lamang ang ginawa ng mga pulis dahil sa posibilidad na isa-isa silang buweltahan ng mga Parojinog.

Nangyari na raw kasi ito noong in-operate ng mga pulis ang Parojinog senior na siyang founder ng Kuratong Baleleng na isa-isang pinatay ng mga ito ang mga pulis.

Kaya para maiwasan isa-isa silang i-liquidate, minabuti ng mga pulis na putulin ang mga CCTV cameras na nakapaligid sa bahay ng mga Parojinog.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na hindi siya nakikialam sa operasyon at discretion ito ng operating ground commander.

Ayon sa PNP chief, for security reasons kung kaya nagawa ito ng PNP.

Gayunman, puwedeng maging advantage sa mga raiding team ang pagputol sa mga CCTV pero baka may legal implications din ito.