Todo ngayon ang panawagan ng grupo ng mga negosyante sa ating pamahalaan na imbes na ipagmalaki ang mga nagawang infrastracture projects ay mas maiging solusyunan ang problema sa transportasyon sa bansa sa gitna pa rin ng pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Sergio Oritz-Luis, chairman ng Philippine Chamber of Commerce Industry (PCCI), dapat daw sana ay magkaroon ng public consultation dahil mistulang isolated sa decision making ng pamahalaan ang mga ordinaryong manggagawa na araw-araw na sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.
Kung maalala, malaking problema sa mga manggagawa ang pagbiyahe ngayong may mga ipinatutupad na mga protocols ang pamahalaan at limitado lang ang biyahe ng mga jeep at bus.
Dahil dito, hiling ni Ortiz-Luis na payagang papasukin ang lahat ng dapat papasuking sasakyan sa Metro Manila para mayroong masakyan ang mga economic frontliners.
Kung maalala, binigyan ng Transportation Department ng libreng train rides ang mga manggagawa sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila pero hindi pa sigurado kung magpapatuloy ito ngayon dahil nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) na ang National Capital Region (NCR).
Una rito, sinabi ng PCCI na noong nakaraang taon pa nang himukin ng grupo ang pamahalaan na bigyang pansin din ang mga health care workers at magdagdag ng hospital bed capacity para hindi magpupunuan ang mga ospital sa sandaling magkaroon ng COVID-19 cases surge.
Binatikos din ng Business at labor groups ang hakbang ng pamahalaan sa pagpapatupad ng hard lockdowns at sinabing hindi raw naging sapat ang aksiyon ng pamahalaan para mapaganda at mapabuti pa ang healthcare system noong ipatupad ang ECQ sa Metro Manila.