-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umaaray na ang operators ng mga provincial buses sa Bicol dahil sa labis na pagkalugi ng negosyo sa halos isang taon nang kawalan ng operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Amelia Ilagan, provincial bus operator sa Albay, sinabi nito na ipinagtataka niya kung bakit hindi pa pinapayagang makabiyahe ang mga bus sa Bicol habang marami namang nakakalusot na colorum vans sa border. 

Naglabas na rin aniya ng kautusan ang central office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pagpasok muli ng mga ito sa Metro Manila basta’t makapagsumite ng mga requirements subalit wala namang inilalabas na guidelines ang regional office ukol dito. 

Samantala, tamang panahon na para kay Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na payagan nang bumiyahe ang mga provincial buses at sumunod lamang sa health protocols.

Makakatulong aniya ito sa pag-arangkada ng ekonomiya lalo pa’t nasa 95% sa rehiyon ang umaasa sa public transportation na karamihan ay mahihirap.