-- Advertisements --
image 156

Tiniyak ngayon ng Bureau of Customs (BoC) na tuloy-tuloy ang kanilang isasagawang inspection para hindi makapasok sa bansa ang mga smuggled agricultural products.

Kasunod na rin ito nang pagkakasabat sa P11.5 milyong halaga ng undeclared agricultural products sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon sa BoC, ang naturang mga produkto ay natagpuan sa anim na shipment na dumaitng sa bansa mula Hong Kong.

Nakapangalan ang naturang mga kargamento sa Victory JM Enterprise OPC.

Una rito, nag-isyu ang Office of the District Collector ng Pre-Lodgement Control Orders at Alert Orders laban sa naturang mga shipment matapos makatanggap ng derogatory information mula sa Customs Intelligence and Investigation Service at Department of Agriculture (DA).

Sa naturang report, lumalabas na ang naturang mga cargo ay naglalaman ng agricultural products, misdeclared items at undeclared items.

Sinabi rin ng ahensiya na nadiskubre ng mga ito ang undeclared agricultural products, unmanifested frozen tofu, chicken paw, boneless beef, Vietnamese suckling pig, beancurd skin, undeclared fresh white onions, undeclared frozen fish tofu at frozen beef cheek meat.

Ang lahat daw ng naturang mga produkto ay nangangailangan ng permit mula sa DA.

Kasunod nito, nag-isyu naman ang Manila International Container Port ng Warrants of Seizure and Detention laban sa shipments dahil sa paglabag sa Sections 117 at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act at DA regulation.

Sa ilalim ng batas sa bansa, ang mga importers ay dapat kumuha ng permit mula sa BoC at DA para siguruhin ang food safety at ang kalidad ng agricultural products bago ang pag-angkat.

Mandato ng BoC na i-assess at mangolekta ng customs revenues mula sa mga imported goods at kailangang magpatupad ng border control para mapigilang makapasok ang mga smuggled goods.