
Nagpadala na ng request letter ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Commission on Audit (COA) para busisiin ang umano’y mga anomaliya na bumabalot sa ahensiya lalo na sa gitna ng kontrobersyal na excavation o paghuhukay sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong araw na bubuo ang COA ng isang special audit sa oras na matanggap ang request letter.
Ipinunto din ng kalihim na ang BuCor ang ikalawang may pinakamalaking pondo na nasa ilalim ng Justice Department kasunod ng National Prosecutor’s Office.
Ayon pa kay Remulla tinatapos na ng mga awtoridad na nakatutuok sa imbestigasyon ang kanilang report bago ang makapaghain ang Justice Department ng kaso laban sa mga sangkot sa excavation.
Sinusugan naman ni Remulla ang naunang pahayag ni dating Justice Secretary at ngayon ay Solicitor General Menardo Guevarra na tinanggihan nito ang excavation project para sa treaure hunting o paghuhukay ng kayamanan.
Sinabi din ni Remulla na hindi inaprubahan ni Guevarra ang naturang proyekto at inimbitahan din umano si dating Pangulong Duterte sa groundbreaking ceremony subalit hindi ito dumalo matapos mapag-alaman na walang permiso at hindi dumaan sa proseso ang naturang proyekto.










