Pormal nang idineklara kasabay ng isinagawang Regional Peace and Order Council (RPOC) meeting na insurgency free na ang buong Davao Region.
Ang nasabing aktibidad ang dinaluhan ng mga opisyal ng militar, kapulisan, stakeholders, mga opisyal ng Local Government Units (LGUs) sa Davao Region.
Iprinesenta ng Assistant Chief of Staff for Operation ng 10th ID Philippine Army na si Lt. Col. Victorino Ensenio ang mga hakbang na ginawa ng gobyerno hanggang sa makamit nila ang kanilang layunin na maging insurgency free ang rehiyon laban sa mga rebeldeng grupo.
Kung maalala, sa iba’t-ibang bahagi ng Davao Region, iilang dekada na ring naging aktibo ang mga rebeldeng grupo.
Labis naman ang pasasalamat ng kasundalohan at ng iba pang ahensya ng gobyerno kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na syang nanguna at lumikha ng mga hakbang upang bumalik sa gobyerno ang mga rebelde at mabigyan ng pagkakataong baguhin ang kanilang buhay.
Kung maalala, maraming mga rebelde at mga sumusuporta nito ang sumurender sa gobyerno sa ilalim ng administrasyon ng dating pangulo.