Tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS), bagama’t binawi na ng isang ginang ang kaniyang reklamong panggagahasa laban sa tatlong pulis sa Bulacan.

Una rito, nagpadala ng mensahe ang 29-anyos na ginang sa Bulacan-PNP na nagsasabing binabawi na nito ang kaniyang reklamo.

Ito ay binasa ng isang pulis na babae sa harap mismo ni PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa nang magtungo ito sa Bulacan para komprontahin ang tatlong inaakusahang pulis.

Apela naman ng PNP chief sa biktima na makipagtulungan sa imbestigasyon at kung natatakot ito, maaari aniya siya dumiretso sa kaniya o sa IAS.

Tiniyak ni Dela Rosa na hinding hindi niya palalagpasin ang insidente.