-- Advertisements --

KALIBO, Aklan– Nagdulot ng trauma sa mga tao ang pananalasa ng buhawi sa East Auckland, New Zealand na ikinasira ng mahigit sa 50 bahay.

Ipinaliwanag ni Bombo International Correspondent Dr. Reynand Dumala-on, PhD Researcher, The University of Auckland ng Auckland Central Business District, New Zealand na malaki ang tyansa na magkaroon ng tornado kung may mga kidlat ngunit hindi ito karaniwang nangyayari sa nasabing bansa kung kaya’t gayon na lamang ang takot ng mga biktima.

Posible aniya na dala ito ng climate change o global warming dahil hindi stable ang temperatura sa bansa at sa kasaysayan ng mga kalamidad na tumama ay hindi karaniwan ang tumamang buhawi.

May mga bagyo rin aniyang dumadaan sa New Zealand pero hindi ito nagla-landfall sa lupa kundi sa karagatan kung kaya’t nakaramdam ng takot ang mga biktima na kasalukuyang nasa civic center habang naghihintay na maayos ng insurance company at ng gobyerno ang kanilang mga bahay na nasira partikular ang mga nakatira sa Golflands papuntang East Tāmaki, kabilang ang Tamaki Heights, Flatbush at Huntington Park.