-- Advertisements --

Mananatiling naka-hold sa Senado ang budget ng National Irrigation Administration (NIA) hangga’t hindi nagbibigay ng malinaw na ulat ang naturang tanggapan sa Senado, ukol sa nangyaring baha sa Cagayan Valley, na isinisisi sa pag-release nila ng tubig sa dam.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, paiba-iba ng pahayag ang mga opisyal ng NIA at kung minsan ay isinisisi pa nila sa Pagasa ang kakulangan ng abiso.

Giit ng senador, dapat maging maingat at totoo sa bawat binibitawang pahayag ang mga opisyal ng ahensya.

Hindi aniya dapat umiwas sa pananagutan ang NIA dahil mahalagang maiwasto ang mga pagkakamali, upang hindi na ito maulit.

Una nang nakalusot sa paghimay ng mga senador ang budget ng NIA na umaabot sa P31.5 billion, ngunit pina-hold ngayon dahil sa mga lumitaw na usapin.