-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Senator Risa Hontiveros ang mababang alokasyon ng budget para sa National Center for Mental Health (NCMH) sa susunod na taon.

Ayon sa senador, na siya ring may akda sa Mental Health Law, hindi basta nareresolba ang issue sa mental health sa pamamagitan ng isang session o gamot lamang.

Masyado raw mababa ang kasalukuyang budget ng NCMH na aabot lamang sa P350 kada tao. Hindi aniya sapat ito para sa ilang linggo na gamutan.

Bukod umano sa COVID-19 crisis ay hindi malayong malunod ulit ang Pilipinas sa isa pang pandemya kung hindi kaagad matutugunan ang mentla health needs ng publiko.

Batay sa huling datos ng Department of Health (DOH), aabot ng 3.6 milyong Pilipino ang nakakaranas ng mental health disorders at patuloy pang tumaaas ang nasabing bilang habang dumadaan ang mga araw.

Malaking dahilan sa biglaang pagtaas ng suicide cases at domestic abuse ang COVID-19 pandemic. Nakapagtala rin ng 100% increase ang mga natatanggap na tawag ng NCMH, kung saan aabot ito ng 1000 tawag kada buwan simula noong ipatupad ang nationwide lockdown.

Sa kabila raw kasi ng bahagyang pagtaas ng budget para sa mental health ay hindi pa rin aniya ito sapat para sa mga critical services matapos itong tapyasan ng halos kalahating bilyong piso.

Suportado naman daw ni Hontiveros ang ginagawang hakbang ng DOH para dagdagan pa ang budget para sa mental health, lalo na at nasa panahon tayo ng stress, uncertainty, isolation at gutom.

Dagdag pa ng mambabatas, kailangan paghandaan ang mga ganitong senaryo kaysa humarap ang bansa sa mental health crisis.

Pagsisiwalat pa nito na hindi pinayagan ang P440 million o 50% mula sa hiling ng NCMH para sa kanilang maintenance at operating expenses (MOOE). Malaking bagay aniya ang pera na ito upang hindi na mas tumaas pa ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.

Inatasan din ni Hontiveros ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na isama sa kanilang packages ang mental health alinsunod na rin sa Mental Health Law.