-- Advertisements --

Tinapyasan ng Senado ng P49 billion ang initial proposed 2021 budget ng Department of Transportation (DOTr) at dinagdagan naman ang pondo para sa COVID-19 vaccines.

Napagdesisyunan ito ng mga mambabatas dahil mayroon na raw track record ang naturang ahensya na nagpapakitang hirap ito na gamitin ang napakalaking halaga na inilalaan para rito.

Ang orihinal na panukalang budget na ipinadala ng DOTr sa Departmennt of Budget and Management (DBM) ay aabot ng P143 billion.

Ayon kay Senator Grace Poe, binawasan nila ang nasabing halaga ng hanggang P94 billion.

Karamihan daw kasi ng mga proyekto na nais pagtuunan ng pansin ng DOTr ay ang railing system, dahil dito ay napagkasunduan ng mga mambabatas na bawasan ito at ilipat sa COVID-19 response ng bansa para sa susunod na taon.

Para na rin aniya ito sa paghahanda ng Department of Health (DOH) sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Batay sa bersyon ng Senado, P83 billion ang inilaan para sa pagbili, pag-iimbak, transportasyon at distribusyon ng mga bakuna.

Sa nasabing halaga, P8 billion naman ang alokasyon para sa budget ng DOH habang P75 billion ang inilaan para sa standby funds.

Dagdag pa ng senador na nagdagdag din ang mga mambabatas ng alokasyong pondo para sa mga contact tracers, gayundin ang para sa COVID-19 testing at personal protective equipment (PPE) sets.