-- Advertisements --


Bumagsak ang fiscal performance ng pamahalaan noong Mayo, ilang buwan makaraang sinimulang ipatupad ang community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic.

Base sa datos na inilabas ng Bureau of Treasury, pumalo sa P202.1 billion ang budget deficit noong Mayo, o kabaligtaran sa naitalang P2.6 billion surplus noong nakaraang taon.

Natukoy na bumaba ng 52.25 percent ang year-on-year revenue collection, habang umakyat naman ng 12 percent ang sa expenditures.

Kung noong Mayo ng nakaraang taon ang Bureau of Internal Revenue ay nakakolekta ng P204.8 billion, tanging P114.4 billion na lamang ang nalikom ng mga ito sa nakalipas na buwan.

Ang Bureau of Customs naman ay nakapagtala ng P58.2 billion noong May 2019, pero sa nakalipas na buwan ay P30.8 billion na lamang ito.

Natukoy din na ang budget deficit mula Enero hanggang Mayo ngayong 2020 ay pumalo sa P562.2 billion o 69,390 percent na mas mataas sa P800 million na naitala sa kaparehas na period noong 2019.

Samantala, sa isang virtual presser, iginiit naman ni Bangko Sentral ng Pilipinas Assistant Governor Johnny Noe Ravalo na nanatiling stable ang financial market ng bansa sa gitna ng hamon na hatid ng COVID-19 pandemic.