-- Advertisements --

Lumiit ang budget deficit o kakulangan sa pondo ng bansa nitong nagdaang buwan ng Agosto 2022.

Ang budget deficit ay ang mas mataas na halaga ng gastusin kesa sa kinita ng gobyerno.

Naitala ng Bureau of Treasury ang P72 billion budget deficit nitong Agosto 2022 kumpara sa P120.9 billion noong nakalipas na taon sa parehong panahon o kabawasan ng P48.9 billion.

Ang pagliit ng kakulangan sa pananalapi ng bansa ay resulta ng bumabang 28.23% ng bayarin ng gobyerno na sinabayan ng mabagal na paggastos na naitala sa 6.39%.

Ang year to date budget deficit naman o mula Enero hanggang ngayong araw ay lumiit din sa P833 billion kumpara sa P958.2 billion naitala noong panahon ng Enero hanggang Agosto ng 2021.

Samantala, tumaas naman ang koleksyon o kita ng pamahalaan nitong Agosto na naitala sa P332.4 billion, mataas ng 28.23% mula sa dating P259.3 billion.

Resulta umano ito ng mataas na tax at non-tax collections.

Ayon sa Bureau of Treasury, malaking bahagi ng koleksyon ay mula sa Bureau of Internal Revenue na P228.9 billion.

Sa panig naman ng Bureau of Customs ay lumago rin ang koleksyon nito o naitala sa P78.9 billion.

Ang koleksyon ng BOC mula Enero hanggang Agosto ay kumakatawan sa 78% ng kanilang P721.5 billion target para sa kabuuan ng 2022.