-- Advertisements --
FB IMG 1588561629459

Mas hihigpitan na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang paggalaw ng mga inmates na nasa loob ng New Bilibid Prison (NBP) dahil na rin sa pangamba ng pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Base sa inilabas na guidelines sa ipatutupad na lockdown sa loob ng NBP reservation, lahat ng BuCor personnel ay pagbabawalan nang pumasok at lumabas ng NBP reservation maliban sa mga may aprubadong pass mula sa Office of the Directorate for Administration.

Lahat ng mga nasa loob ng NBP reservation ay kailangan daw manatili lamang sa kanilang mga tahanan at hindi papayagang lumabas o umalis maliban na lamang sa mga frontliners at mga naisyuhan ng valid quarantine pass para bumili ng basic needs at iba pang necessities.

Ipatutupad din ang social distancing at pagsusuot ng facemask sa loob ng reservation at ipagbabawal ang ambulant vendors.

Ang mga public utility vehicle naman at tricycles at iba pang vehicles for hire ay suspendido ang operasyon sa loob ng reservation.

Mahigpit ding ipatutupad ang curfew sa loob ng NBP reservation mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-5:00 kinaumagahan na may koordinasyon sa ipinatutupad na curfew hours sa Muntinlupa City kung saan matatagpuan ang pambansang piitan.