-- Advertisements --

Kasabay ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigatation (NBI) sa pagkamatay ng siyam na high profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP), nilinaw ngayon ng Department of Justice (DoJ) na araw-araw ay may namamatay talaga sa mga piitan sa bansa.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na ang mga namamatay sa mga piitan sa buong bansa ay mayroong average na 2.3 araw-araw at hindi raw ito sobrang taas kumpara noong nakaraang taon.

Ang pahayag ni Guevarra ay dahil na rin sa pagkamatay ng siyam na high profile inmates sa NBP na kinabibilangan ni Jaybee Sebastian.

Ayon kay Guevarra mula Enero hanggang July ay 476 na ang mga inmate na namatay sa mga piitan sa bansa.

Aabot naman sa 45 na inmate ang sinasabing namatay na iniuugnay sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ng kalihim na ang mga namatay na inmate ay may dati nang iniindang sakit at nadapuan na lamang ng COVID-19.

Pero dahil na rin sa mga pagdududa ng ilan sa pagkamatay ng mga inmates sa lalo na ang mga high profile inmates kaya pumasok na ang NBI sa imbestigasyon.

Aminado naman si Guevarra na kailangang malinaw ang protocol ng Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay sa paglalabas ng mga pangalan ng mga namamatay sa coronavirus.