-- Advertisements --

Ipinatawag na ni Justice Sec. Menardo Guevarra si Bureau of Corrections chief Gerald Bantag para magpaliwanag sa umano’y bagong death case ng COVID-19 mula sa mga inmate ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Utos ito ng kalihim kasunod nang lumutang na ulat na may bagong inmate ng jail facility ang namatay umano dahil sa pandemic na virus.

Batay sa report, tinukoy ang bagong death case sa Bilibid na si JB Sebastian, na kilala bilang convicted na kidnap-for-ransom at carjacking suspect.

Sinasabing na-cremate na rin ang labi nito sa Cavite.

Nauna nang inatasan ni Guevarra si Usec. Deo Marco para magsumite ng ulat hinggil sa estado ng mga persons deprived of liberty (PDL) na tinamaan ng COVID-19.

Nitong araw nang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na isang inmate mula sa Bilibid ang namatay dahil sa COVID-19.

Sa tala ng DOH, 13 PDL na sa buong bansa ang namatay matapos tamaan ng pandemic na coronavirus disease.