Unang team ngayon sa NBA playoffs ang Milwaukee Bucks na makausad sa semifinals matapos na ma-sweep ng 4-0 ang karibal na Miami Heat sa first round.
Dahil dito maghihintay muna ng halos isang linggo ang Bucks kung sino ang kanilang makakaharap sa pagitan ng Nets at Celtics.
Mistulang mismatch ang rematch ng Bucks nang muli na namang talunin sa Game 4 kanina ang Heat, 120-103.
Sa first half ng laro ay abanse pa ang Miami pero pagsapit ng third quarter ay doon na bumawi ang Bucks at hindi na pinakawalan ang lead hanggang sa 4th quarter.
Naging balanse ang opensa ng Bucks kung saan si Brook Lopez ay umiskor ng 25 points, Bryn Forbes may 22 habang ang reigning MVP na si Giannis Antetokounmpo ay nagtala ng triple-double gamit ang 20 points, 12 rebounds at 15 assists.
Hindi rin nagpahuli sina Khris Middleton na nag-ambag 20, at sina Bobby Portis ay may 13 at Jrue Holiday ay nagtapos sa 11.
Sa bahagi ng Heat si Bam Adebayo ang nanguna sa kanyang 20 points at 14 rebounds habang may 18 points naman si Kendrick Nunn, 14 kay Tyler Herro, 13 kay Goran Dragic at nasayang ang triple-double ni Jimmy Buyler na may 12 points, 10 rebounds, at 10 assists.
Para kay Heat head coach at Fil Am Erik Spoelstra, saludo sila sa malaking improvement lalo pa ngayong season ng Bucks.
Si Giannis naman ay aminadong magandang pakiramdam na nakaganti na rin sila sa Miami.
“Obviously it’s a great moment for us and winning 4-0 beating the team that beat us last year, feels good,” ani Antetokounmpo.