-- Advertisements --
BSP 2 Manila

Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpapatuloy ang downtrend ng inflation para sa buwan ng May o mananatili ito sa parehong antas noong nakaraang buwan sa gitna ng mababang presyo ng gasolina, pagkain, at utilities.

Sa kanilang month-ahead forecast, sinabi ng BSP na inaasahan nito ang inflation na rate ng pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo sa loob ng hanay na 5.8% hanggang 6.6%.

Ang saklaw ng pagtataya ng sentral na bangko ay kapareho ng antas ng 6.6% na inflation print noong buwan ng Abril.

Ayon sa BSP, ang pinagsama-samang rollback sa mga presyo ng domestic petroleum gayundin ang mas mababang presyo ng manok at isda at mga presyo ng kuryente ng iba’t ibang regional power distributor ay maaaring naging dahilan ng mas mababang inflation para sa buwang kasalukuyan.

Gayunpaman, sinabi ng bangko sentral na ang pagtaas ng presyo ay magmumula sa mas mataas na presyo ng bigas, gulay, at iba pang pangunahing pagkain.

Gayundin ang pagtaas ng liquefied petroleum gas (LPG) at singil sa kuryente ng Meralco.

Una na rito, nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority ang opisyal na inflation rate figure para sa buwan ng Mayo sa darating na Hunyo 6.