-- Advertisements --

Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko tuwing Biyernes habang nakikiisa sa malawakang hakbang ng pamahalaan upang makatipid sa enerhiya.

Mananatiling anilang bukas ang onsite cash operations sa BSP Head Office sa Maynila, sa Security Plant Complex sa Quezon City, at sa mga regional offices at branches sa buong bansa mula 9:00 a.m. hanggang 2:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes.

Patuloy ding tatanggap ng mga transaksyon kaugnay ng BSP-acquired real properties at mga pisikal na dokumento ang BSP Hub sa Maynila tuwing Biyernes.

Bukod dito, magpapatuloy ang serbisyo ng BSP Online Buddy (BOB) chatbot na maaaring ma-access sa BSP website, Facebook Messenger, at mobile app, 24/7.

Sa pamamagitan nito, maaaring magsumite ng reklamo ang mga financial consumers hinggil sa mga produkto at serbisyong pinangangasiwaan ng BSP-supervised institutions.

Maaari ring magpadala ng reklamo sa consumer affairs office ng kanilang tanggapan.

Samantala, ang BSP Store ay magpapatuloy naman sa pagbebenta ng commemorative coins at iba pang merchandise ng central bank sa pamamagitan ng online facility.

Sa kabila ng energy conservation measures, tiniyak ng BSP na hindi maaapektuhan ang serbisyo para sa publiko at mananatiling tuloy-tuloy ang operasyon ng bangko sa mga itinakdang araw.