Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa maayos nang lugar ang final source code para sa May 9 elections.
Kasunod na rin ito ng pagpapasakamay na ng Comelec sa source code kahapon.
Kung maalala, noong Lunes ay ipinasakamay din ng Comelec sa BSP ang final trusted build ngtransmission router source code na kinakailangan para masigurong secured ang distribusyon ng election results at iba pang related data sa iba’t ibang endpints.
Ang source code ay naideposito sa tinatawag na high-security vault na iminamandato sa Republic Act 9369 na kilala ring election automation law.
Present naman sa pag-turnover ng mga source code sina BSP Governor Benjamin Diokno, Comelec chairman Saidamen Pangarungan at representatives mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Sinabi naman ni Diokno na kaisa raw ang BSP sa hakbang ng komisyon para mapanatili ang integridad ng halalan.
Magiging instrumento rin ang mga ito para mapanatili ang public trust and confidence sa nalalapit na national at local elections.
Ang source code ay naka-store sa isang flash drive at nakalagay naman sa metal box na kapareo ng initial batch na idiniposito noong February 2, 2022.
Sa mga naganap na halalan noong 2010, 2013, 2016 at 2019, ang BSP rin ang nagtago ng mga election source codes sa kanilang mga vaults.