-- Advertisements --

Walang nakikitang sapat na dahilan si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno para sa pagkakaroon pa ulit ng policy rate cut.

Ito ay kahit pa aniya na bumagsak sa recession ang ekonomiya ng bansa matapos maitala ang 16.5 percent contraction sa gross domestic product (GDP) sa second quarter ng taon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Diokno na hindi pa nada-digest ng markets ang monetary policy works na kanilang nauna nang ipinatupad gayundin ang full effect ng 175-basis point cut sa key investment rates ngayong taon.

Nabatid na ang key interest rate, na ginagamit ng mga banko para presyuhan ang mga loans, ay nasa record low na 2.25 percent sa ngayon.

Dahil dito, sinabi ni Diokno na wala siyang nakikitang dahilan para magpatupad ulit ng panibagong policy cut.

Sa katunayan, may mga senyales na aniya silang nakikita na pakonti-konti ay nakakabangon ang ekonomiya kabilang na ang pick-up sa auto loans ng halos P4 billion.

Sa ngayon kasi, P568 billion na ang auto-loans sa bansa mula sa P564 billion noong Enero.