Hinimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang publiko, lalo na ang mga gumagamit ng automated teller machine (ATM) na ikonsidera ang panggamit ng ilang alternatibo sa pagbayad at transaksyon ng pera.
Mararamdaman na kasi ang P3 increase sa ATM transaction fee matapos ang anim na taong pagharang dito ng ahensya.
Ayon kay BSP Financial Technology Sub-Sector senior director Vicente De Villa III, asahang maglalaro na sa P15 hanggang P18 ang average transaction fee ngayon sa mga ATM.
“Our call for the public is to keep an open mind in considering other channels, electronic channels, and other modes of banking such as online banking, InstaPay, PESONet, QR codes,” ani De Villa.
Hindi pa pinangalanan ng Bangko Sentral ang mga piling bangko, pero inamin nito na may ibang aplikasyon pang nakabinbin.
Sa ilalim ng inaprubahang aplikasyon, madadagdagan na ng P3 ang kasalukuyang P11 hanggang P15 na bayad sa kada-transaksyon ng isang cardholder sa ATM ng ibang bangko.
Kaya mungkahi ng opisyal sa publiko, subukang idaan sa online o mga banking application ang kanilang transaksyon nang maka-menos sa patong na bayad.
Umaasa naman si Sen. Grace Poe na kahit nagkaroon ng increase sa ATM transaction fee ang mga bangko ay pananatilihin pa rin ng mga ito ang maayos na kompetisyon sa finance at banking sector.