Tiniyak ng Naval Forces Southern Luzon (NAVFORSOL) Phil Navy, na tutulong itong magsusuply ng malinis na tubig sa mga lumikas na apektado ng nag-aalburutong bulkang Mayon.
Ito ay sa pamamagitan ng desalination system ng BRP Andres Bonifacio(PS17) na kakayahang mag-supply ng hanggang 32,000 litro ng malinis na inuming tubig.
Ang nasabing volume ay sapat na upang matugunan ang pangangailangan ng mahigit isang libong pamilya.
Unang idineploy sa probinsya ng Albay ang BRP Andres Bonifacio bilang tugon sa kautusan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na pagpapadala ng barkong may kakayahang mag-convert ng tubig dagat at gawing inuming tubig.
Ayon sa Naval Forces Southern Luzon, maaari ring gamitin ang BRP Andres Bonifacio bilang Mobile Command and Control Center ng provincial government ng Albay, oras na itaas ang alert level ng Bulkang Mayon at mas lalawak pa ang maaapektuhan nito.
Una nang nagsagawa ang mga opisyal ng nasabing naval command ng ‘ceremonial drinking of water’ kasama sina Task Force SAGIP Commander Brigadier General Jaime Abawag Jr., at Albay Governor Edcel Lagman Jr., upang maipakitang ligtas inumin ang tubig mula sa nasabing barko.