Ikinalugod ng British Chamber of Commerce Philippines (BCCP) ang pagpirma ni PBBM sa Executive Order (EO) 50 na nagpapalawig pa sa applikasyon ng pinababang taripa sa bigas, mais, at mga produktong karne.
Ayon kay BCCP Executive Director Chris Nelson, magiging daan ito upang lalo pang lalawak ang pagpasok ng supply ng karne ng baboy at baka sa Pilipinas.
Tiyak din aniyang mapapalakas ang relasyong pangkalakalan sa pagitan ng United Kingdom (UK) at Pilipinas, lalo na at ang Pilipinas ang pangalawang pinakamalaking bagsakan ng mga karne ng baboy na mula sa UK.
Naniniwala rin ang grupo na makakatulong ito upang malabanan ang mga epekto ng inflation sa bansa, na inaaasahan ding tuloy-tuloy ang pagbagal.
Tiyak din aniyang ikalulugod ito ng iba pang mga bansang may kasalukuyan nang trade partnership sa Pilipinas.
Ang pinirmahan ni PBBM na EO 50 ay isang susog sa nauna nang EO 10 na inilabas dati ng pangulo, at nag-aatas na palawigin pa ang nilalaman nito.
Sa ilalim ng naturang order, susundin ang mas mababang taripa sa mga sumusunod:
- karne ng baboy(fresh o frozen) – 15 percent (in-quota) at 25 percent (out-quota)
- Mais – 5 percent (in-quota) at15 percent (out-quota)
- Bigas – 35 percent (in-quota and out-quota).