BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ngayon ang isang barangay tanod habang nagpapagaling ang kasama nitong barangay captain matapos maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa bahagi ng Malabbaga-Buli Barangay Road sa Buli, La Paz, Abra.

Nakilala ang nasawing si Simeon Cayasan Aquino, 33, barangay tanod ng Barangay Poblacion, La Paz, Abra habang nakilala ang nasugatan na si Fidel Bambico Belena, 35, kapitan ng Barangay Poblacion, La Paz, Abra.

Batay sa report ng La Paz Municipal Police Station, nakasakay ang dalawa sa isang motorsiklo na walang plaka na minaneho ni Aquino habang back rider si Belena.

Patungo sana ang mga ito sa direksiyon ng Barangay Buli Proper nang binilisan ni Aquino ang takbo ng motorsiklo sa kurbang bahagi ng kalsada.

Gayunman, aksidenteng naibunggo ito sa kongkretong bakod ng kalsada na nagresulta sa pagkasugat ng ulo at kaliwang paa ni Aquino at pagkasugat ng mukha ni Belena.

Itinakbo ang mga ito sa Abra Provincial Hospital ngunit naideklarang dead on arrival si Aquino habang nasa mabuti ng kalagayan si Belena.

Napag-alaman din na walang helmet na suot ang dalawa ng mangyari ang aksidente.