Arestado ang anim na indibidwal kasama ang isang tanod ng Brgy. San Isidro, Makati matapos maaktuhang nagpa-pot session sa isang barong-barong sa Arsonvel street nitong alas-5:00 ng hapon.

Ayon kay police Patrolman Jerome Lazaro ng Makati City Police Sub-Station 3, huli sa akto ang paggamit ng mga suspek sa pinaghihinalaang iligal na droga habang rumu-ronda ang kanilang hanay sa naturang lugar.

Kinilala ang mga naarestong sina Raffy Abarquel, Arnold Berindez, Edmundo Romarate, Leah Gache, Sheryl Pupa at tanod na si Leslie Paul Delos Santos.

Sinabi ni Brgy. Kagawad Valentino Comiso na wala pang isang buwan na nagsisilbing tanod si Delos Santos.

Pero maganda naman daw ang record nito. Katunayan, ginawaran pa ito ng pagkilala matapos magsilbing arresting officer sa apat na Chinese national na nahuli sa kanilang lugar kamakailan.

Aminado naman ang mga pulis na may record na kaso si Delos Santos kaugnay ng illegal drugs.

Nakuha mula sa mga naaresto ang anim na plastic sachet ng suspected shabu, isang lighter at drug paraphernalia. Tinatayang nasa P34,000 daw ang street value ng mga nakumpiskang kontrabando.