(Update) CENTRAL MINDANAO – Alitan sa pamilya ang nakikita ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa magkakamag-anak sa Tacurong City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Abdul Kenis Daud, 44-anyos na kapitan ng Barangay Lilit Lambayong, Sultan Kudarat, at ang tanod nito na si Kahir Kasiba Tankilisan.

Sugatan naman sina Rianie Guiwan Daud, 21-anyos na guro at anak ni Kapitan Daud; at Abdulrackman Daud Silawan, 22, pamangkin ng kapitan.

Sa ulat ng Tacurong City-Philippine National Police, kakababa lamang ng mga biktima sa harap ng isang tindahan sa J. Quirino Mercado Avenue sa Barangay Poblacion ng siyudad para bumili ng tsinelas nang bigla itong lapitan ng dalawang hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek lulan sa isang motorsiklo sa ‘di malamang direksyon.

Dead on the spot ang barangay tanod na si Tangkilisan na tinamaan sa ulo habang naisugod naman sa pagamutan ang tatlo sa mga sugatan ngunit hindi na umabot ng buhay ang punong barangay.

Kagagaling lang umano ng mga biktima sa court hearing at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon ay agpapatuloy ang imbestigasyon ng Tacurong-PNP sa pangyayari.