-- Advertisements --

ILOILO CITY – Arestado ang isang barangay kagawad sa Sta. Barbara, Iloilo matapos mahuli sa buybust operation ng pulisya sa Brgy. Bitaog Taytay.

Kinilala ang nadakip na opisyal na si Nelson Solas, 46, na siyang target ng operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Maj. Raymond Celoso, officer in charge ng Sta. Barbara Police, na sa halagang P1,000 ng pinaghihinalaang shabu naaresto ang kagawad na matagal na rin daw nilang minamanmanan.

Bukod dito, nakuhanan din si Solas ng siyam na malalaki at limang maliit na sachet ng suspected shabu.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang inaakusahang kagawad, pero tiniyak ng pulisya na sasampahan ito ng kaso.