-- Advertisements --

ROXAS CITY – Itinuturong suspek sa pagbaril-patay sa magkapatid sa isang sayawan sa Sitio Rosario, Barangay Lantangan, Pontevedra, Capiz ang mismong kagawad ng naturang barangay.

Nabatid na dead on the spot ang isa sa biktima na si Felome Bangud, 42 anyos at binawian naman ng buhay habang ginagamot sa ospital ang nakababata nitong kapatid na si Melfer Bangud, 34 anyos.

Bago binawian ng buhay sa ospital ay nakapagsabi pa umano si Melfer na si Barangay Kagawad Joseph Manican, 53 anyos ang bumaril sa kanila ng kaniyang kapatid.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo kay Kagawad Ronald Valois, inihayag nito na hindi pa man nangyayari ang krimen ay lumapit sa kaniya si Melfer at nagsabing nais nilang ma-‘arbor’ si Manican.

Ngunit sinaway niya ito at ilang minuto lamang ang lumipas ay nilapitan ni Melfer si Manican at pinagsasaksak gamit ang screw driver.

Ayon pa dito, maliban sa screw driver ay namataan rin umanong may dalang itak si Felome.

Ngunit nagsitakbuhan na umano ang mga tao nang makarinig ng mga putok ng baril at bumulagta na lamang sa kanila ang nakahandusay na magkapatid na pawang may mga tama sa katawan.

Hindi naman maitukoy ni Valois kung ang kasamahan nitong si Manican ang bumaril sa mga biktima dahil hindi naman niya umano nakitang may dala itong baril.