LA UNION – Dead on arrival sa ospital ang isang punong barangay matapos maaksidente sa minamaneho nitong motorsiklo sa kahabaan ng Major Marcos Highway sa Barangay Nalvo Norte sa Luna, La Union.

Nakilala ang biktima na si Kapitan Remegio Nuesca, 51-anyos na residente ng Barangay Busel-busel sa naturang bayan.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Luna Police Station, habang pinapatakbo umano ng biktima ang kanyang sasakyan ay nawalan ito ng kontrol sa manibela.

Dito na siya nabangga sa kasalubong nito na iba pang motorsiklo na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Namatay ang kapitan dahil sa mga natamo nitong malubhang sugat sa katawan.

Makikipaglamay sana ang biktima nang mangyari ang aksidente.