NAGA CITY – Muling inaresto ng mga otoridad ang barangay chairman na nagpanumpa kay Vice President Leni Robredo sa inagurasyon nito bilang ika-14 bise presidente ng bansa noong Hunyo 2016.
Ito ay dahil sa kaparehong kaso na may kaugnayan sa adultery sa Calabanga, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Dino Regaspi, hepe ng Calabanga-Philippine National Police, kinumpirma nito na boluntaryong sumama sa kanila si Ronald Coner, incumbent chairman ng Barangay Punta Tarawal.
Kaugnay nito, hindi naman makumpirma ni Regaspi kung ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa nauna na nilang isinilbing warrant arrest sa punong barangay noong nakaraang Enero lamang.
Napag-alaman na dinakip muli si Coner matapos ang inisyung warrant ni Hon. Joveliza P.Palo-Soriano, Judge, MCTC Magarao-Canaman, Camarines Sur, na may rekomandadong piyansa na P28,000.
Kung magugunita nang unang maharap sa kaso si Coner, binigyan-diin nito na hindi niya kaano-ano ang babaeng ikinakabit sa kanyang pangalan at naniniwalang gawa-gawa lamang ito ng mga kalaban niya sa politika.