-- Advertisements --

Bigo ang Malacañang na bigyan ang Kamara ng listahan ng mga bagay o serbisyo na paggagamitan ng P275 billion public funds na nakatakdang i-realign para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Naging malinaw ito sa special session na idinaos ng Kamara nitong araw, Marso 23, para talakayin ang House Bill No. 6616, na naglalayong bigyan ng “emergency powers” si Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang problema sa COVID-19.

Sa debate sa plenaryo, hiningi nina dating Health Secretary at kasalukuyang Senior Deputy Minority Leader Janette Garin at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago kay Deputy Speaker LRay Villafuerte ang breakdown ng kabuuang halaga na maaring gamitin ni Pangulong Duterte sa ilalim ng House Bill 6616.

Ayon kay Villafuerte, ang kabuuang halaga na maaring galawin ng Pangulo ay aabot sa P275 billion, kung saan P200 dito ay mapupunta sa Emergency Subsidy Program, habang ang natitirang P75 billion ay para sa health service tulad nang pagbili ng COVID-19 tests kits.

Pero hindi naman na maidetalye pa ni Villafuerte kung ilang testing kits, protective gears, at iba pa na kakailanganin para sa binanggit nitong alokasyon.

Ang sinabi lamang nito ay “maaring” binabalangkas na aniya ng ehekutibo ang detalyeng ito at tiniyak namang mabibigyan ang Kongreso ng kopya sa oras na maging ganap na batas na ang House Bill 6616.

Sa ilalim ng Section 4 ng naturang panukala, binibigyan nang kapangyarihan si Pangulong Duterte na kanselakahin ang mga appropriated programs ng anumang ahensya ng ehekutibo.

Gagamitin ang savings na makukuha rito sa augmentation ng alokasyon para sa anumang item para sa operasyon, response measures, at iba pang proyekto o aktibidad sa 2020 national budget.