Plano ngayon ng Japan ang pagsasagawa ng mixing ng AstraZeneca PLC’s Coronavirus disease 2019 (COVID-19) shots sa mga bakunang dinivelop ng ibang kumpanya.
Layunin ng naturang hakbang na mapabilis ang vaccination effort sa naturang bansa ayon sa minister na incharge sa vaccination rollout ng pamahalaan.
Ayon kay Ministry of Health Labor and Welfare Taro Kono, kabilang sa nais nila sa mixing ang Pfizer Inc. at BioNTech SE o Moderna Inc.
Aniya dahil inirerekomenda raw ng AstraZeneca ang walong linggo bago ang susunod na shot ay posibleng mapaiksi na rin ito kapag ihalo ito sa ibang brand.
Sa ngayon ang pag-aaral sa mixing ng COVID-19 vaccines ay posibleng magresulta sa equal o kung hindi man ay mas malakas na immune response.
Pero hindi pa raw malinaw kung anong combination ang magbibigay ng pinakamagandang proteksiyon na mayroon ding mas matagal na epekto.
Mayrooon din umanong ilang ebidensiya na nagpapakitang ang mixing ay magreresulta sa hindi magandang side effects.
Ang mga bansang Canada, Germany at France ay pinayagan na rin ang mix-and-match vaccines pero nagbabala na rito ang US.
Mas mabilis naman sa ngayon ang vaccination sa Japan kahit nahuli ito sa iba pang mga bansa.
Nasa 44 percent na ng kanilang populasyon ang fully vaccinated kabilang na ang halos 90 percent para sa mga may edad na 65.