MANILA – Naniniwala si Vice President Leni Robredo na hindi solusyon ang “brand agnostic” policy ng pamahalaan para mahikayat ang mas maraming Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19.
“Ang solusyon hindi iyong itatago mo iyong brand pero para sa akin iyong solusyon, maghanap talaga ng paraan para makatulong na lumakas iyong confidence ng tao sa bakuna,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Noong nakaraang linggo nang utusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na huwag ng i-anunsyo ang available na brand ng COVID-19 vaccines sa kanilang lugar.
Inamin din ng Malacanang na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa Department of Health na magbaba ng polisiya, matapos dumugin ang vaccination sites dahil sa Pfizer vaccines.
Ayon sa DOH, sasabihin pa rin naman sa indibidwal ang brand ng bakunang ituturok sa kanya kapag siya ay nasa mismong vaccine site na.
“Naiintindihan ko, Ka Ely, kung bakit may panukalang ito pero iyong takot ko kasi baka baliktad iyong maging resulta. Baka baliktad iyong maging resulta na lalo mong ayaw mong sabihin iyong brand, lalong hindi nagreregister iyong mga tao.”
“Iyong sinasabing sasabihin naman kapag nandoon na, okay naman iyon pero again, papaano kung hindi mag-register dahil doon? Iyon iyong worry ko.”
Para kay VP Leni, kung mayroon mang dapat unahin asikasuhin ang pamahalaan, ito ay ang kung paano mahihikayat ang publiko na magpabakuna, kahit ano pa ang brand.
Ilan sa mga alkalde ng Metro Manila ay nagpahayag na tatalima sila sa utos ng Palasyo, pero may ilan ding tumutol.