-- Advertisements --

Maaring hatiin sa magkakahiwalay na tranches ang itinutulak na karagdagang financial assistance sa mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic, ayon kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cayetano na maaring hatiin sa dalawa ang perang ibibigay sa ilalim ng proposed Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program.

“There is a choice. Sabihin mong hindi nagkasundo na may pera for P10,000 – eh ‘di pauna. Two gives. ‘Di ba sanay naman tayo sa hulugan?” ani Cayetano.

Sa ilalim ng inihain niyang House Bill 8597, bibigyan ng karagdagang P10,000 financial assistance ang bawat pamilyang Pilipino na apektado ng COVID-19 pandemic, o tig-P1,500 sa bawat miyembro ng pamilya, anuman ang mas malaki sa dalawa.

Sinabi ni Cayetano na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa itinutulak niyang panukalang batas dahil mayroong P425 billion na unutilized funds aniya sa ilalim ng 2020 national budget at P253 billion naman na bank allowance.

“Noong Bayanihan 1, wala namang pagkukunan ng pera ‘yan pero inupuan namin. May meeting sa Malacañang. Magdamag kaming nag-sesyon. Hinanapan ng pondo namin ‘yan sa existing na 2020 budget,” saad ng kongresista.

“Kailangan lang bigyan ng priority, upuan agad, kasi sa pag-iikot mamin, iniisip talaga ng tao ngayon, ‘yung pantawid talaga,” dagdag pa nito.