KALIBO, Aklan — Ikinatuwa ng Malay Municipal Tourism Office matapos na mapabilang ang Isla ng Boracay na isa sa ‘most Instagrammable’ na mga lugar sa buong mundo.
Nabatid na ang Boracay ay nasa ika-39 na puwesto mula sa 50 mga lugar na natukoy na most instagrammable places ngayong 2023 ng UK travel website at nag-iisa lamang sa Pilipinas.
Subalit, sinabi ni Felix delos Santos ng MTO-Malay na kailangan itong patunayan sa pamamagitan ng pagiging responsabling mga turista lalo na ang disiplina sa pagtatapon ng basura at pangangalaga sa paligid ng mga stakeholders sa Boracay.
Dagdag pa ni delos Santos na malaki ang maitutulong nito upang lalo pang mapalakas ang turismo sa isla at travel recovery na isa sa mga naapetuhan ng pandemya.
Nauna dito, ipinalabas ng Big 7 Travel ang kanilang Top 50 list na ibinatay sa bilang ng mga hashtags sa Instagram at TikTok.
Ang Boracay ay nakakuha ng kabuuang 804,525,339 hashtags sa Instagram at TikTok.