KALIBO, Aklan – Lalo pang hinigpitan ang pagpasok ng mga turista sa isla it Boracay sa harap ng banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Omicron variant.
Naging mabusisi ang validating team ng lokal na pamahalaan ng Aklan sa pagsuri sa mga requirements ng mga domestic tourists kagaya ng vaccination cards, quick response (QR) codes, confirmed hotel bookings at negatibong resulta ng RT-PCR tests para sa mga turista na hindi pa nabakunahan.
Dahil sa Omicron variant, pansamantalang sinuspinde ng probinsiya ang paghahanda sa pagtanggap ng mga dayuhang turista.
Ito ay sa harap ng anunsyo ng Department of Tourism (DoT) na bubuksan na ang Pilipinas sa international tourists simula Disyembre 1.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Aklan vice governor Reynaldo Quimpo na muling lalago ang ekonomiya ng probinsiya sa susunod na taon dahil sa pagbuhos ng mga turista sa Boracay.
May pagkakataon aniya na umabot sa halos 5,000 ang turistang pumasok sa isla sa loob lamang ng isang araw.