-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Naabot na nang Isla ng Boracay ang 1-million mark na tourist arrivals simula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Felix delos Santos, jr. Chief Tourism Operations Officer ng Malay Tourism Office na labis ang kanilang kaligayahan matapos makapagtala ng 1,032,143 na turista mas mataas sa kanilang target na 800,000.

Aniya, kahit sa panahon ng Habagat, nananatiling mataas ang bilang ng mga local at foreign visitors.

Umabot sa 183,096 ang nai-record na dayuhan at lokal na turista na bumisita sa isla sa buwan ng Hulyo.

Karamihan sa mga bumisita ay domestic tourists na may kabuuang 160,259 habang umabot sa 16,730 ang mga foreign visitors at 6,107 ang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ngunit, kumpara noong Hunyo, mas mataas pa rin ng 10,500 ang arrivals na nakapagtala ng 193,650 na bisita.

Noong buwan ng Mayo, umabot sa 201,368 ang bumisita sa naturang beach resort.

Kumpiyansa naman ang MOT at lokal na pamahalaan ng Aklan at Malay na lalo pang darami ang mga turistang bibisita sa Boracay hanggang sa pagtapos ng taong kasalukuyan, lalo pa at tuloy-tuloy ang pagdating ng direct international flights sa Kalibo International Airport mula sa Korea.

Sa kabilang daku, tumanggi muna si delos Santos na mag-komento kaugnay sa carrying capacity sa Boracay dahil isinasailalim pa umano ito sa pagrebisa ng Department of Tourism at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno.