-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Sa harap ng pagsumikap ng pamahalaan na muling makabangon ang industriya ng turismo sa bansa, ikinatuwa ng Department of Tourism (DoT) ang pagkilala ng Condé Nast Traveler (CNT) sa isla ng Boracay.

Sa kabuuang 85 destinasyon na kasama sa pinagpilian sa taunang readers’ choice awards ng naturang travel magazine ang surfing haven na Siargao Island ang kinilala bilang top favorite sa Asya, habang ang sikat na Palawan at Boracay ang nasa ikatlo at pang-walong puwesto.

Ang resulta ay batay sa nakuhang feedback ng CNT mula sa kanilang mahigit sa 800,000 na mga readers sa buong mundo.

Sinabi ni Malay Tourism Officer Felix delos Santos na nagtutulungan ngayon ang DoT at lokal na pamahalaan sa Aklan na maabot ang herd immunity sa mga nabakunahang tourism workers at mga residente sa Boracay upang mapaghandaan ng husto ang international leisure travel sa oras na tanggalin na ang restrictions dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Mahigpit aniyang ipinapatupad ng mga tourism establishments sa isla ang health and safety protocols.

Sa kabilang dako, ang tatlong iba pang kilalang world favorites sa Asya ang Raja Ampat Islands sa Indonesia na ikalawa sa pwesto, Phi Phi Islands ng Thailand na nasa pang-siyam na puwesto at Phuket na pang-10.

Ang Pilipinas ang nasa ika-20 na puwesto sa talaan ng Condé Nast Traveler ng Top Countries in the World na may score na 91.63.